Headline
FULL TEXT: Vice President Leni Robredo inaugural speech
Inaugural Message of Vice President Leni Robredo
Oath Taking of the Vice President of the Philippines
Quezon City Reception House, June 30, 2016
Minamahal kong mga kabayayan:
May mga sandali sa ating buhay na mas matingkad kaysa sa iba. Noong nagkakilala kami ni Jesse. Noong nasilayan ko sa unang pagkakataon ang mukha ng aming mga anak. Noong bumagsak ang kanyang eruplano.
Ngayon, narito na naman tayo sa isang mahalagang yugto.
Nagpapasalamat akong kasama ko kayo sa oras na ito. Kayong nagbigay ng inyong tiwala at umako ng ating laban bilang laban niyo rin. Samahan ninyo ulit ako sa aking bagong paglalakbay.
Ang sandaling ito ay hindi lamang tungkol sa akin. Ito ang ating pagkakataong masama ang mga nasa laylayan ng lipunan tungo sa maginhawang buhay sa mas malawak na paraan.
Sa isang katulad nating nakikipagpulong sa riles ng tren, natutulog sa bangka at sumasakay sa habal-habal para maabot ang ating mga pinaglilingkuran, ito ay isang malaking biyaya para lalo pang makapaglingkod.
Tayo ay nasa posisyong ito dahil hindi natin matalikuran ang tawag ng paninilbihan, at hindi natin sasayangin ang pagkakataong paigtingin ang ating mga ipinaglalaban.
Niyayakap natin ang responsibilidad na ito, na may buong pagpapakumbaba, pasasalamat, at pagsusumikap.
Ang mga pangarap ng ating Pangulo at ating mga plano para sa bansa ay nagkakatugma patungo sa iisang hangarin: ang mabigyan ng tunay na kaunlaran ang ating mga kababayan, lalo na ang mga napag-iiwanan.
Marami nang naumpisahan pero marami pa ring kailangang punan. Kaya ang ating panata ay malagpasan ang kahit ano pang hamon.
Hindi natin hahayaang mapigilan tayo ng ano mang balakid upang makapagsilbi at handa tayong makipagtulungan sa lahat.
Ang tanging paraan para matupad ang hangaring ito para sa ating bansa ay ang sama-samang pagkilos. Naniniwala ako na sa panahong tila may mga matitinding hidwaan na nangyayari sa mundong kinagagalawan natin, ang hamon sa atin ay magsama-sama, paigtingin ang ating pagkakaisa, at gawing lakas, hindi hadlang, ang ating pagkakaiba.
Kailangan nating gawin ang tama para sa karamihan, hindi lang sa iilan. Ang katapatan ay dapat ibigay sa ating pinangakuang pagsisilbihan kahit labag ito sa pansariling interes. Namulat tayo sa ganitong uri ng pagsisilbi at itutuloy natin habang tayo’y nabubuhay.
Bukas ang pintuan ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa lahat – anuman ang katayuan sa buhay, paniniwala, o partido.
Tayo ay magiging tanggapan na palaging nakikinig sa boses ng taumbayan.
Hangad nating maging magkatuwang ang pamahalaan at pribadong sektor tungo sa pagbabago, para sa mga nasa laylayan ng lipunan na dapat nating paglingkuran.
Ang ating pagtutulungan ang ating pinakamabisang puhunan. Napatunayan na nating hindi sagabal ang anumang kakulangan sa totoo, tapat at pursigidong paglilingkod. Ang pagsubok ay kabilang mukha lamang ng pagkakataon.
Itong ito ang kwento ng ating paglalakbay. Noong nagsimula tayo, parang walang naniniwalang may pag-asang manalo. Ngunit dahil sa pagbubuklod ng ambag ng bawat isa – tulad ni Nanay Alberta na nagsangla ng singsing para makatulong sa ating kampanya, tulad ng paglalakbay muli ng Sumilao Farmers, tulad ng mag-amang pinagtagpi-tagpi muli ang napunit nating posters, tulad ng marami sa inyong kasama ko ngayon na nagsakripisyo – nanaig tayo.
Kapag naninindigan tayo para sa mga pinaniniwalaan natin, kapag handa nating pagsakripisyuhan ang ating mga layunin, ang imposible ay kinakayang gawing posible.
Kaya buo ang loob ko na marami tayong magagawa sa anim na taon. Inaaya ko kayong lahat na nais tumulong na magtungo sa ating tanggapan para sabay tayong mangarap at kumilos para mabigyan natin ng mas magandang buhay ang ating mga kababayan.
Pagsama-samahin natin ang ating mga hangarin at kakayahan upang makalikha tayo ng makabuluhang pag-unlad.
Ang pangunahin nating tututukan ay gutom at sapat na pagkain, kalusugan para sa lahat, kaunlaran ng kanayunan, edukasyon at people empowerment. Sa mga larangang ito, walang dapat sayanging oras. Ang pangarap natin ay maibsan ang paghihirap sa lalong madaling panahon. Niyayaya ko kayong muli akong samahan sa paglalakbay na ito.
Sa unang isandaang araw, plano nating magtungo sa malalayo at maliliit na barangay sa bansa, upang alamin ang mga bagay na nais niyong matugunan.
Ito ang sinimulan na nating gawin sa ating distrito sa lalawigan ng Camarines Sur – kung saan ako isinilang, nag-aral, nagtayo ng pamilya, namulat sa mga problema ng lipunan at kung saan napudpod ang ating mga tsinelas sa paghahanap ng mga mabisang solusyon sa kahirapan.
Umaasa tayo na sa pagdala natin sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa inyong mga barangay, mas mararamdaman ninyo na totoong nariyan ang pamahalaan para sa inyo.
At kapag nadama ninyo iyan, magkakaroon din tayo ng inspirasyon na simulan ang pagbabagong loob.
Nakita natin ito sa mga magsasaka at mangingisda na ating natulungan, sa bawat inabusong asawa na ating binigyang lakas, o sa bawat katutubo o manggagawang nakasalimuha.
Anumang pagbabago sa ating bayan ay nagsisimula sa pagpupursigi ng bawat Pilipino. At kapag nagkaisa tayo, walang imposible.
Sabi nga ni Jesse nuong siya ay nabubuhay pa: “What brings us together as a nation is far more powerful than what pulls us apart.”
Sa panahon ng matinding hidwaan, ang pagkakaisa ng bansa ang tanging pag-asa. Iba iba man ang ating pinanggagalingan, iisa ang ating hangarin: na ang bawat pamilyang Pilipino ay mamuhay ng may dangal.
Ang sandaling ito ang simula ng sama-samang pagtupad sa hangaring ito.
Maraming salamat sa inyong lahat at mabuhay ang Pilipinas.