Tanong #5:
ANU-ANO BA ANG DAPAT UNAHIN?
Sabi-Sabi: Daig nang maagap ang masipag.
Ngayon na buo na sa isip mong mag-abroad, ano nga ba ang mga dapat mong unahin?
Unahin mong isipin ang magiging kahulugan ng pag-a-abroad na ito sa iyong pagkatao. Magiging mas mabuti ka bang tao? Mas makatutulong sa iba? Mas mabubuo ang mga hangarin at pangarap mo para sa sarili?
Kailangan bang maging mas masaya ka dahil sa desisyong ito?
Simple lang ang definition ko ng maturity as a person. Maturity is the ability to postpone self-gratification – ang kakayahang ipagpaliban ang pansariling kasiyahan o kaligayahan. Hindi ko sinasabing hindi ka rapat maging masaya. Ang kaibahan lang ay kaya mong maghintay maging masaya habang ginagampanan mo ang inaakala mong tama mong papel bilang dakila at responsableng ama, ina, anak, asawa o kaibigan.
Unahin mo ang kapanatagan at kapayapaan ng loob. If you are at peace with yourself in this decision, then you have made the right decision. Then you will believe na may liwanag kang dadatnan saan ka man mapadpad.
Sa paghahangad mo ng liwanag, tatandaan mo na bawat bagay ay may dalawang mukha – mabuti at masama, marumi at malinis, pangit at maganda, madilim at maliwanag. Ganun pa man, sahugan o lahukan mo ang efforts mo ng pag-asa, maraming pag-asa. Sapagka’t dahil sa pag-asang ito kaya ka pupunta sa malayong bansa
Unahin mo ang pagbuo ng tiwala at pag-asa sa iyong puso at sa puso ng iyong pamilya. Dahil sa pag-asang ito ka lamang makapagpapatuloy sa iyong paglalakbay at masusumpungan ang iyong tamang kapalaran.
Unahin mo ang maayos na pagpaplano at masistemang pagkilos. Kailangan siguro sa umpisa ay mag-unload ka ng mga dala-dala mong baggages sa buhay. Clear your mind, empty your heart of worries, resentment, fears, hatred and bitterness. Ang hirap kaya mag-isip nang tama at maayos kung magulo ang isip. Start on a clean slate. Kapag ganun, madali na ang magplano at kumilos nang tama.
Unahin mo ang humility sa ibabaw ng lahat ng ito. Sabi nga, ‘wag mauna ang yabang. Hindi ka pa nga umaasenso, wala ka nang kilala. In fact, ang humility na tumanggap ng tulong at payo ng iba ay malaki ang magiging papel sa tagumpay mo sa paglalakbay na ito. Tapos, siguraduhin mong bitbitin ang sipag at tiyaga saan ka man pumunta. But you will be better if you are humble.
Unahin ang pagkapit sa iyong pananampalataya. Mas malaki ang dedesisyunan, mas mahirap umasa sa opinion ng ibang tao, whether or not malapit sa iyo or hindi mo kaano-ano ang hinihingan mo ng opinion. Sa ganoong kasikip na sitwasyon, isa lang ang matatakbuhan mo at makakapitan mo na siguradong hindi ka bibitawan – ang ating paniniwala na may isang kataas-taasang kapangyarihang hindi natin nakikita pero sa tuwina’y nararamdaman nating laging nandiyan at totoo.
Kaya lang, ang sabi nga – nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Ang Totoo: Daig ng maayos at madasaling tao ang sinumang maagap at masipag na wala namang malinaw na pangarap at direksyon.
( Abangan sa susunod na isyu: Tanong #6 PAANO MO KAKAYANING TALIKURAN ANG LAHAT?)
___________________________________________
(Bolet is a marketing communications practitioner and dabbles in writing as a personal passion. She is author-publisher of the book: The Most Practical Immigrating and Job Hunting Survival Guide, proven simple steps to success without the fears and the doubts. book is available in Amazon.com, Barnes & Noble, Chapters/Indigo, the Reading Room and other online bookshops worldwide.
Please check out https://www.amazon.com/author/boletarevalo)