Tanong No. 3 (Series 2)
ANU-ANONG MGA KATANGIAN ANG KAILANGAN PARA MAG-SURVIVE?
Sabi-Sabi: Mas wala kang alam, mas madali ang pag-uumpisa kasi raw what you don’t know, won’t hurt you.
Once nakapag-desisyon ka na, mas paninindigan mo ang pananatili at pakipagsasapalaran sa ibang bansa, tuluy-tuloy na ang laban.
Sa isip mo sa umpisa, parang ang dali lang. Naaalala ko ang kuwento ng Tita ko tungkol sa panganganak, mas nakatatakot raw ito sa second or third or fourth time kasi ‘yung first time, you have no idea how difficult or how complicated it would be. Sa second, third or fourth time na childbirth, mas nakatatakot dahil you dread going through the same pain and process that you went through noong unang beses.
Ganun din sa pangingibang-bansa kung wala kang kaide-ideya kung ano ang dadatnan mo, parang ang dali-dali lang umalis. Malungkot, oo, pero ‘yung agam-agam ay hindi buo dahil wala ka namang first-hand knowledge talaga kung ano ang meron o wala sa pupuntahan mo.
So, kung sa umpisa ay may duda ka, kapag nakarating ka na roon, mabubuksan ang iyong mga mata at magigising ang iyong diwa na ganito pala. And it does not come easy. Kadalasan, mga ilang pagkakamali muna bago mo malaman o matutuhan ang tama o dapat gawin.
Kung ang aklat kong ito ay hindi makatutulong mabawasan ang mga maling iyon o mabawasan ang pag-aalala ninyo, then I would not have been successful in writing this.
As an immigrant or maybe kahit as a foreign worker, the first 2 years daw ang pinakamahirap harapin at tahakin. Dito ‘yung puntong malakas ang takot, magulo ang isip, hindi maka-focus. Lungkot na lungkot ka pa, walang trabaho o hindi pa maka-adjust sa bagong trabaho, nauubos na ang baon o ang ipon sa pagbabayad ng utang na naiwan, pagbili ng mga kailangang gamit or pag-sustain sa daily expenses habang wala pang stable income or no income at all.
The irony is – ito ring dalawang taong ito ang susubok sa iyong kakayahang panindigan ang iyong desisyon o ipagpatuloy ang iyong laban. Ang hirap kasi, halu-halo ang emosyon mo sa period na ito. Excited, malungkot, worried, hilo, lito etc, etc.
Una, at ang importante sa gitna ng lahat ng emosyon na iyan ay ang maka-focus ka. Remind yourself always of the reasons bakit ka nagdesisyon nang ganito. Bakit ka nangibang-bansa? Bakit ako narito? Para saan ba ang lahat nang ito?
If I may confess, ‘yan ang hindi ko nagawa sa unang taon ko as an immigrant. Oo, alam ko kung bakit ako nag-migrate. Pero hindi ako maka-focus kung ano talaga ang gusto kong gawin. Hindi rin ako maka-decide kung sasama lang ba ako sa agos o ipipilit ko ang gusto kong gawin o mangyari.
I would say, sa loob ng isang taon ay pinagbigyan ko ang sarili ko. Nguni’t pinagbayaran ko ‘yun nang malaki. Halos naubos ang baon kong pera. Equivalent sa lahat ng nakuha kong pera sa huli kong trabaho – 10 years na naubos ko lang sa loob ng isang taon. Masakit ‘yon.
Second, kalimutan mo muna ang nakaraan mo. Focus on moving forward. If you keep going back even just in your thoughts, malulungkot ka lang at hindi ka malayang makaka-abante. Hihilahin ka pabalik at pababa ng iyong emosyon.
Dapat ipaalam at ipaunawa mo sa iyong pamilya, kasama mo man sila o nasa Pilipinas man, ang tunay mong katayuan at ang mga balak mong gawin. In that way, mas madali silang makasusuporta sa iyo in whatever way they can or however you need it. Or, at the very least makauunawa sila sa iyo kahit sa mga simpleng bagay tulad ng pagpapadala ng tulong o pera .
In other words, huwag mong pasanin ang mundo. People will understand only to the extent that they know or you want them to understand.
Sa aking palagay, walang taong magsu-survive kung malungkot at laging magmumukmok. Sa buhay-abroad, kasalanan mo na kung malungkot ka. Tandaan mo ‘yan. In the middle of all your confusions and uncertainties, take time to smell the flowers, so to speak.
Ang pag-aliw sa sarili o paglilibang ang makapagpapalaya sa iyo sa mga negative vibes or emotions, makapagpapaluwag ng iyong paghinga at makapagbibigay-liwanag sa iyong isip. Sa ganitong paraan, mas maayos kang makapag-iisip at makapagdedesisyon ng mga susunod mong hakbang.
Humugot ka rin ng lakas sa mga kaibigan at bagong kakilala. ‘Yung mga taong nauna nang nagdaan sa iyong pinagdaraanan. ‘Yung may magagandang halimbawa at salitang makaka-boost ng iyong morale at makagagabay sa iyo. But don’t overdo it. Minsan sa dami ng halu-halong payo, lalung gumugulo. Salain mo at piliin lang ang pakikinggan at paniniwalaan. Puwede rin kasing out-dated na at hindi na applicable sa sitwasyon mo ang mga alam nila.
Ang Totoo: Mas bukas ang communication o mas malawak ang kaalaman sa bagay na papasukin, mas maraming basehan para gumawa ng tamang desisyon.
(Abangan sa susunod na isyu: Tanong No. 4 Series 2 – Ano ang tinatawag na survival jobs?)
.
_________________________________________
(Bolet is a marketing communications practitioner and dabbles in writing as a personal passion. She is author-publisher of the book: The Most Practical Immigrating and Job Hunting Survival Guide, proven simple steps to success without the fears and the doubts. book is available in Amazon.com, Barnes & Noble, Chapters/Indigo, the Reading Room and other online bookshops worldwide.
Please check out https://www.amazon.com/author/boletarevalo)