[bsa_pro_ad_space id=1 delay=10]

FULL TEXT: VP Binay’s official statement on his resignation from Aquino cabinet

By on June 24, 2015


Vice President Jejomar "Jojo" Binay (Photo from Binay's official Facebook page)
Vice President Jejomar “Jojo” Binay (Photo from Binay’s official Facebook page)

Below is Vice President Jejomar ‘Jojo’ Binay’s statement at the Coconut Palace on June 24, 2015, regarding his resignation from President Benigno Aquino III’s cabinet.

Mga kababayan:
Ngayon ang bagong simula ng laban sa kahirapan.

Nagbitiw po ako sa Gabinete dahil hindi ako makapapayag na ipawalang-saysay at siraan ang aking mga programang pang-masa na nagtagumpay sa Makati at nais kong mapalawak sa buong bansa.

Hindi ako papayag na magpatuloy ang kawalan ng katarungan sa bansa. Hindi ako papayag na iilan lang ang magtatamasa ng benepisyong nararapat sa karamihan.

At lalong hindi ako papayag na alisin sa taumbayan ang pagkakataong magkaroon ng isang pamahalaang tapat at mahusay na naglilingkod upang guminhawa ang marami.

Hangad ko na magkaroon ang bansa ng maayos na pamamahala upang ang marami – at hindi lang ang iilan – ang makikinabang sa kaunlarang maaabot natin.

Dapat magkaroon ng pamahalaang nakikinig at tunay na nagmamalasakit, lalo na sa mahihirap.

Isang pamahalaang magpapairal ng hustisya at tahimik na pamumuhay; isang pamahalaang puspusang nagsisikap upang lumikha ng higit pang trabaho upang bigyan ng ginhawa ang matagal nang nagigipit na taumbayan.

Isang pamahalaan na nagbibigay ng epektibo at malawak na serbisyong pangkalusugan at edukasyon; isang pamahalaang makatao, hindi manhid, at may malasakit kanino man.

Isang pamahalaan na magbibigay ng pagkakataong guminhawa at umangat ang buhay ng mga mahihirap.

Ito ang aking ipinaglalaban. Ito rin ang hangarin ng ating mga kababayan: isang pamahalaang kabaliktaran ng manhid at palpak na pamahalaan ngayon.

Mga kababayan, tinanggap ko noon ang alok na maglingkod sa Gabinete dahil nais kong suklian ng tapat na paglilingkod ang pagtitiwala ng sambayanan.

Nang ako ay inyong inihalal, ako ay nangako na magiging isang working Vice President. At sa nakaraang limang taon, tahimik akong nagtrabaho. Nagsagawa ng reporma sa sektor ng pabahay at tinugunan ang daing ng ating mga OFWs.

Ngunit sa aking mga pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lalawigan, ipinaabot ng ating mga kababayan na hindi nila nararamdaman ang pinagmamalaking kaunlaran.

Ang nakikinabang sa ipinagyayabang na pag-unlad ay iilan lamang, kasama ang mga piling kaibigan at kapartido ng mga nasa puwesto.

Marami na akong pinagdaanang pagsubok. Ilang beses akong ikinulong noong panahon ng Martial Law dahil sa paglaban ko para sa kalayaan at demokrasya. Kahit pagkatapos ng 1986 EDSA Revolution, ilang beses akong ginipit at tinangkang patahimikin dahil patuloy akong lumalaban sa pang-aapi at pang-aabuso.

Ngayon, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ako ay pinagkakaisahang siraan, hamakin, gipitin, tanggalin bilang pangalawang pangulo at ipapakulong pa. Ito ay dahil ako ang pangunahing balakid sa kanilang pansariling ambisyon at hangarin.

At habang ako ay ginigipit at inuusig, hinahayaan naman nila ang malawakang anomalya ng kanilang mga kasama at kapartido: ang Disbursement Acceleration Program (DAP), ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng kanilang mga kakampi, kapartido, at kaibigan; ang pangongotong sa MRT, at ang masaker ng SAF 44 sa Mamasapano.

Hindi nila pinananagot ang mga opisyal na pumigil sa pagpapalabas ng 2013 Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga pamahalaang lokal. Samantalang alam nila na karamihan sa ating mga bayan at barangay ay umaasa lang sa IRA.

Ito ang baluktot na hustisya at pamamahala ngayon. Ang umiiral ay selective justice.

Iba ang hustisya at mga benepisyo ng mga kaibigan at kaalyado ng partidong nasa kapangyarihan.

Ngunit, walang hustisya at walang maaasahang benepisyo para sa nakararami lalo na sa mga mahihirap.

Mga kababayan,

May hangganan ang pagtitiis ng isang tao. Tama na. Sobra na. Bakit hindi nila ako harapin sa malinis na halalan?

Alam nila na marami sa kanilang kandidato ang hindi mananalo sa isang malinis at patas na halalan. Kaya gagamit sila ng maruruming paraan, sukdulang sila ay magsinungaling, magwaldas ng pondo ng bayan, at magpatuloy sa paglabag sa batas.

Nagpapasalamat ako sa ating mga kababayang nagpahayag sa mga survey na sa kabila ng mga paninira, malaki pa rin ang tiwala nila sa akin.

Sa ating mga mahihirap na kababayan, huwag po ninyo akong alalahanin.

Kaya ko ang lahat ng ginagawa at gagawin pa nilang pagpapahirap sa akin. Ngunit hindi ko kayang tiisin na magpatuloy ang kahirapan na hinaharap ninyo sa bawat araw.

Sa mga kalaban ko sa pulitika, sinasabi ko sa inyo ngayon: kung ang layunin ninyo ay paatrasin ako sa pagtakbo bilang pangulo sa 2016, nagkakamali kayo. Hindi ako umaatras sa laban.
At lalong hindi ko iiwanan ang ating mga mahihirap na kababayan.

Ako po ang inyong pangalawang pangulo, si Jojo Binay, na laging nagsasabi at taas-noong ipinagmamalaki ang pagiging tunay na pilipino sa puso at gawa. Lagi ninyong kasama sa hirap at ginhawa, at ngayon ay namumuno sa oposisyon.

Mabuhay ang Pilipinas. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.

Source: Office of the Vice President

One comment on “FULL TEXT: VP Binay’s official statement on his resignation from Aquino cabinet

Comments are closed.

[bsa_pro_ad_space id=2 delay=10]