This is the English translation of the speech delivered by His Excellency Benigno S. Aquino III at Our Lady of EDSA on February 25, 2015:
Mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Photo by Pete Reyes, courtesy of the Manila Times
May imahen po mula sa EDSA People Power Revolution na tumatak sa pambansang kamalayan: Mga madreng nakaluhod, nangangamba man sa mga baril sa kanilang harapan, ay nananalig pa rin at nagmamalasakit. Sa pag-aabot natin ng rosaryo at bulaklak sa mga armadong sundalo, sa pagkakapit-bisig natin upang pigilan ang pag-abante ng tangke, napatunayan natin: Malasakit ang pinakamakapangyarihang tugon sa galit; walang mas lalakas pang sandata sa pag-ibig.
Ganitong lakas din po ang ipinakita ng sambayanan sa aming pamilya noong 1983, matapos paslangin ang aking ama. Mayroon pong isang litratong nagsisilbing paalala sa kung gaano kalalim ang dinaanan naming pasakit noon. Sa larawang ito, halos hindi ko na siya mamukhaan. Para siyang karneng ibinagsak sa tarmac, at ibinalibag sa AVSECOM van.
Kung ilalagay po ninyo ang sarili sa aking sitwasyon, marahil mauunawaan ninyo ang aking pinanggagalingan. Ama ko po iyon, duguan, matapos barilin. Ako ang nag-iisang anak na lalaki. Aaminin ko: Pumasok sa isip ko ang paghihiganti; sabi ko, ang dugong inutang, dugo rin dapat ang kabayaran. Sabi nga sa Bibliya, “An eye for an eye, a tooth for a tooth.” Umabot ako sa puntong handa akong mamatay, maidamay lang sa hukay ang mga pumaslang sa aking ama.
Ngunit nag-iba po ang aking pananaw nang masilayan ko ang libo-libong taong nanindigan at nakiramay sa labas ng aming tahanan sa Times Street. Tila ba nawala na ang kanilang takot sa Batas Militar, at buong-tapang na nagpahayag ng kanilang malasakit sa aking ama. Tulad ng mangyayari sa EDSA, ipinakita nila sa amin: Hindi kami nag-iisa. At ang sambayanang Pilipino nga po ang nagturo sa akin: Posible pa ang inaasam-asam ng aking ama na mapayapang pagbabago.
Nagbabalik-tanaw po ako sa kuwentong ito, hindi upang kumuha ng simpatya para sa aking sarili, kundi para idiin ang leksiyong dala nito. Bilang inyong Pangulo, maliwanag sa aking magkukulang ako sa aking tungkulin, kung hindi ko ipaaalala sa sambayanan ang kapangyarihan ng malasakit. Magkukulang po ako kung hindi ko ipapaalala sa lahat na, sa mga panahon ng dalamhati, hindi tayo nag-iisa, at may ibang daan. Sa harap ng mga video na nagpapakita ng karahasan, sa harap ng galit na maaaring mamuo sa ating mga puso, kailangan nating ipaalala: Mas makapangyarihan pa rin ang tiwala, ang malasakit, ang pag-ibig, ang kapayapaan.
Tandaan lang natin: Ang kaguluhan sa Mindanao ay nagdudulot ng kaguluhan sa ating lahat. Kaya naman obligasyon ng bawat isa na itaguyod ang kapayapaan sa Mindanao. Ngunit batid nating hindi madali ang landas patungong kapayapaan. Nang magkaroon nga po ng deadlock sa negosasyon ng ating gobyerno at ng MILF, nagpasya tayong personal na makipag-usap kay Chairman Murad Ebrahim sa Japan, kabilang na si Chairman Mohagher Iqbal, sampu ng kanilang mga kasamahan, para ituloy ang usaping pangkapayapaan. Malinaw sa atin ang katangiang kailangang pairalin sa panahong iyon: Iyon po ay tiwala. Mula sa tiwala sa isa’t isa, umusbong ang maayos at tapat na ugnayan ng dalawang panig upang makamit ang kasunduang katanggap-tanggap sa lahat.
Ngayon, may pagkakataon po tayong baguhin ang istorya ng ARMM dahil sa maraming dahilan. Marami nga pong bansa ang nagbubuhos ng suporta sa ating usaping pangkapayapaan. Halimbawa na lang po ang Malaysia: Hindi lamang sa salita, kundi sa gawa, pinadama nila sa atin na katuwang sila sa pagkamit ng kapayapaan. At dahil buo ang tiwala ng sambayanan po sa atin, ni minsan, hindi ako natuksong gamitin ang ARMM para magsagawa ng command votes. Ang mga pinuno ng MILF, pinadama rin sa atin ang kanilang tiwala at kumpiyansa na magiging katuwang din sila, kasama ang buong Bangsamoro, sa paghahanap ng kapayapaan. Ginintuan ngang maituturing ang pagkakataong ito, kung kailan abot-kamay na ang kapayapaan sa Mindanao. Sa mga nagsasabi na ihinto na ang peace process, at ang pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law, ang tanong natin: Paano nila masisigurado na magkakaroon ulit ng ganitong oportunidad?
Talagang masakit po ang nangyari sa Mamasapano. Huwag nating kalimutan na pumunta ang ating kapulisan doon, hindi para maghasik ng karahasan, kundi upang ipatupad ang batas. Nagsakripisyo sila para makamit ang kapayapaan, di naman po makatwiran na ang kanilang inalay para sa kapayapaan ay maging mitsa pa ng karahasan. Tulad nga po ng sinabi ni Martin Luther King sa Amerika: “Darkness cannot drive out darkness; only light can do that. Hate cannot drive out hate; only love can do that.” Ngayon po, tinatawag tayong maalala ang mga aral na dala ng mga salitang ito.
Sana, magarantiya ko po sa inyong walang magsasamantala sa insidenteng ito. Sinisikap po nating manatili ang kaayusan. Ngunit, alam din nating habang palapit tayo nang palapit sa katuparan ng ating mithiin, lalong nagiging desperado ang mga kontra dito. Maganda po sana kung bukod sa pambabatikos, ay may nailalatag silang alternatibong solusyon. Di tuloy natin maiwasang isipin: Ayaw nilang magkaroon ng kapayapaan, dahil sila mismo ang nakikinabang sa gulo at karahasan. Ang gusto nila: muling magkanya-kanya ang mga Pilipino, at mawala ang tiwala natin sa isa’t isa upang isulong ang kanilang pansariling agenda.
Kung magpapatalo tayo sa mga kontra-kapayapaan, parang hinayaan na rin nating lumala ang kaguluhan sa Mindanao. Kung isusuko natin ang pagtataguyod ng Bangsamoro, parang hinayaan na rin nating armas ang muli nilang ipamana sa susunod na henerasyon ng mga kapwa natin Pilipino.
Hinding-hindi po tayo papayag na mangyayari ito. Tanging sa pagkamit sa pangmatagalang kapayapaan magiging sulit ang sakripisyo ng mga nakipaglaban sa EDSA, kabilang na ang mga nagbuwis ng buhay para wakasan ang paghahasik ng takot at karahasan sa lipunan.
Para sa ating lahat na naranasan ang EDSA, batid natin ang positibong bunga ng pagiging mahinahon; na sa halip na magpadala sa galit at emosyon, bigyang-daan ang pagiging risonable, ang tiwala, at ang pagmamahal sa isa’t isa. Kung ginabayan ng Panginoon ang ating bayan noon tungo sa mapayapang pagbabago, nananalig akong sa kabila ng panibagong mga hamon, ay mabibigyang-daang muli ang tiwala sa isa’t isa.
Noong nanawagan si Cardinal Sin, at tinugon ng ating Tiyo Butz na magbuklod sa EDSA, milyon-milyong tao ang dumagsa rito kasama na ang mga relihiyoso. Ang totoo: Biglaan po ito. Nariyan ang lahat ng sangkap para mauwi ang lahat sa isang madugong himagsikan: takot, tensiyon, at armas. Pero sa gabay nga po ng mahal na Panginoon, naging matagumpay at mapayapa ang pagbasak ng diktaturya, na siyang hinangaan ng buong mundo. Itong paghahangad ng kapayapaan sa buong bansa, lalong-lalo na sa ARMM, kung tutuusin, mas planado, mas pinagtutulungan ng halos lahat. Siguro naman, kung tinulungan tayo ng Panginoon noon, tutulungan din tayo ngayon. Ang hinihiling na lang siguro sa atin, tayong mga natuto na sa aral ng EDSA, dapat maging masigasig upang buohin ang balangkas nitong pagkakamit ng kapayapaan.
Sa ngalan ng mga Pilipinong nakipaglaban sa EDSA, at sa lahat ng mga kababayan nating nagsakripisyo at patuloy na nagsasakripisyo para sa kapwa at bansa, ituloy natin ang laban tungo sa kapayapaan at kaunlarang matagal na nating inaasam.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyo.
READ IT IN ENGLISH HERE.
2 comments on “FULL TEXT: PNoy’s Speech at the 29th EDSA People Power Anniversary [Filipino]”
Comments are closed.