Canada News
Pag-akses sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng Alberta: Pinagsamang pahayag
Inilabas ni Premiyer Danielle Smith at Ministro ng Kalusugan na si Adriana LaGrange ang sumusunod na pahayag sa mga ulat ng mga medikal na klinika na naniningil ng bayad sa pagmimiyembro:
“Inaasahan namin na susundin ng mga doktor sa Alberta ang batas, kabilang ang Batas sa Kalusugan ng Canada (Canada Health Act) at ang Batas ng Seguro sa Pangangalagang Pangkalusugan ng Alberta [Alberta Health Care Insurance Act (AHCIA)]. Ang pamahalaan ng Alberta ay nananatiling nakatuon sa mga prinsipyo ng Canada Health Act at tinitiyak na ang mga klinika at manggagamot ay mananatiling sumusunod sa AHCIA.
“Alam namin na may mga doktor at mga klinika sa Alberta na nagpapatakbo sa loob ng mga dekada sa loob ng mga parametro ng batas upang magbigay ng mga serbisyong hindi saklaw ng plano ng seguro sa pangangalagang pangkalusugan ng lalawigan. Maaaring kabilang sa mga serbisyong ito ang hindi medikal na kinakailangang operasyon, nutrisyon at mga serbisyo ng acupuncture, mga talang medikal at mga paggamot sa kakayahan makapag-anak. Sinuri ng Yunit ng Awdit at Katiyakan sa Pagsunod ng Kalusugan ng Alberta (Audit and Compliance Assurance Unit ng Alberta Health) ang mga pagkakataon kung saan gumagana ang mga pribadong klinika sa ganitong paraan, na naniningil ng bayad sa pagmimiyembro sa Alberta. Sa kasaysayan, kinumpirma ng lahat ng pagsusuri na ang mga klinikang ito ay nagpapatakbo na sumusunod sa batas. Nagsusumite rin ang Alberta Health ng taunang ulat sa Health Canada at, hanggang ngayon, ay wala pang natukoy na isyu sa pagpapatakbo ng mga klinikang ito.
“Nalaman namin kamakailan ang tungkol sa isang klinika na nagpapatalastas ng mga serbisyo na saklaw ng plano ng seguro sa pangangalagang pangkalusugan ng lalawigan at ang mga patalastas na ito ay nagmumungkahi na ang mga serbisyong ito ay magagamit sa isang pagmimiyembro kasunod ng pagbabayad ng mga bayarin. Ang pamahalaan ng Alberta ay labis na mag-aalala kung ang klinikang ito ay naniningil ng mga bayarin para sa mga serbisyong nakaseguro at nag-aalok ng pinabilis na pagkuha ng isang manggagamot ng pamilya sa gastos ng ibang mga pasyente na kailangang maghintay ng mas matagal. Inutusan namin ang Alberta Health na imbestigahan ang partikular na klinikang ito upang matiyak ang pagsunod sa lahat ng batas. Kung may makikitang anumang hindi pagsunod sa nauugnay na batas, gagawa kami ng naaangkop na aksyon.
“Ang mga Albertan ay hindi nagbabayad mula sa bulsa para sa mga nakasegurong serbisyong pangkalusugan tulad ng pagpapatingin sa isang doktor ng pamilya o pagbisita sa isang ospital – hindi iyon magbabago.”