Sports
Itinalaga ang Vancouver bilang opisyal na host city para sa FIFA World Cup 2026

Vancouver named FIFA World Cup 2026 official host city (Photo: Province of British Columbia/Flickr, CC BY-NC-ND 2.0)
VANCOUVER – Kinumpirma ng FIFA ngayong araw na napili ang Vancouver bilang isang opisyal na host city para sa FIFA World Cup 2026. Ito ang unang pagkakataon na gaganapin sa Canada ang mga laban ng FIFA World Cup, habang napapanuod ng bilyon-bilyong tao sa buong mundo ang torneo. Isa itong makasaysayang oportunidad upang masuportahan ang sektor ng turismo,
mailagay sa pandaigdig na spotlight ang kagandahan ng B.C., at mabigyan ng inspirasyon ang susunod na henerasyon ng mga manlalaro.
“Malugod na tinatanggap ng British Columbia ang buong mundo para sa FIFA World Cup 2026,” sabi ni Premier John Horgan. “I-ho-host natin ang pinakamalaking World Cup hindi lamang dahil masaya ito. Mararanasan ng British Columbians ang pagsulong ng ekonomiya sa mga sektor ng
turismo at hospitality, na magkakaroon ng magandang epekto sa mga susunod na taon. Nasasabik kaming tanggapin ang soccer community mula sa buong mundo sa ating province.”
Magkasamang i-ho-host ng Canada, United States at Mexico ang FIFA World Cup 2026, kung saan gaganapin ang mga laban sa mga piling host city sa buong North America. Ang World Cup na ito ang magiging pinakamalaki, at ang pinakaunang magtatampok ng 48 koponan na maglalaro sa 80 laban. Inaasahan na mag-ho-host ng 60 laban ang United States, at inaasahan naman na magho-host ng tig-10 laban ang Canada at Mexico.
Makikipagtulungan ang province sa FIFA upang makumpirma ang dami ng mga laban na gaganapin sa Vancouver.
“Internasyonal nang nakilala ang B.C. at nagagalak ako na napili ang Vancouver bilang isa sa mga host city para sa torneong ito,” sabi ni Melanie Mark, Minister of Tourism, Arts, Culture and Sport. “Masugid kaming nakikipagtulungan sa lahat ng aming mga partner upang magawa ang lahat ng ating makakaya para sa bid na ito. Handa kaming tanggapin ang buong mundo dito sa Vancouver at sa buong province! Dadayuhin ang event na ito ng mga bisita mula sa buong mundo, at alam namin na kapag pumupunta ang mga first time visitor sa B.C., bumabalik silang muli habang ipino-promote ang B.C. sa iba pa. Sila ang mga tumutuloy sa ating mga hotel room, bumibili mula sa ating mga lokal na negosyo, sumusuporta sa ating ekonomiya at mayroon itong pangmatagalang benepisyo para sa ating sektor ng turismo. Hindi kami makapaghintay na maipakita ang maiaalok ng kagandahan ng B.C.”
Sa ngayon, mula $240 hanggang $260 milyon ang tinatayang gastos para sa pagpa-plano, staging at pag-host ng FIFA World Cup 2026 sa B.C. Ang estimasyon na ito ay bago pa isaalang alang ang mga kontribusyon mula sa pederal na pamahalaan at City of Vancouver, upa ng site para sa stadium at training at iba pang mga mapagkukunan, at mga potensiyal na oportunidad sa marketing na inaasahan ring magbibigay ng kita. Dagdag pa rito, ayon sa early modelling ng
Destination BC at BC Stats, tinatayang makakapagdulot ang torneo ng higit $1 bilyong bagong kita sa sektor ng turismo ng B.C. sa panahon at sa susunod na limang taon pagkatapos ng torneo, na depende sa dami ng laban na gaganapin sa Vancouver.
Nagpakita ng suporta ang mga lokal na komunidad ng First Nations at inaasahan ang karagdagang kolaborasyon upang maisagawa ang torneong ito sa kanilang mga tradisyonal na lupain. Ang mga salik na ito ay magkakaroon ng epekto sa mga karagdagang potensiyal na kita. Magbibigay ang Ministry ng patuloy na update tungkol sa mga detalye ng event.
Quick Facts:
- Ang FIFA World Cup ay isang internasyonal na palaro sa soccer, na napakasikat sa fans ng soccer at iba pa mula sa buong mundo, at ito ay hino-host sa iba’t ibang bansa kada apat na taon.
o Ang susunod na FIFA World Cup ay gaganapin sa Qatar sa Nobyembre 2022. o Sa unang pagkakataon mula 1986, nakapasok ang men’s national team ng Canada sa FIFA World Cup Qatar 2022.
- Inimbitahan ang Vancouver (kasama ang BC Place Stadium) na mag-apply upang mag-plano at i-stage ang mga laban sa summer 2026, at naaprubahan ang lungsod bilang isa sa 22 candidate host cities noong Abril 2022.
