Connect with us

Philippine News

PNoy’s PMA 2015 Commencement Address [Filipino]

Published

on

President Benigno Simeon Aquino III (center) given a 21 gun salute during the commencement ceremonies of the Philippine Military Academy Sinag-lahi Class of 2015 (Photo from RTV Malacanang)

President Benigno Simeon Aquino III (center) given a 21 gun salute during the commencement ceremonies of the Philippine Military Academy Sinag-lahi Class of 2015 (Photo from RTV Malacanang)

Speech of President Benigno S. Aquino III at the commencement exercises of the Philippine Military Academy Sinaglahi Class of 2015, Fort del Pilar, Baguio City, on March 15, 2015:

Magandang tanghali na po sa inyong lahat.

Sa harap po natin, may bago kayong sports center. Sinasabi siguro ng Sinaglahi Class, “Kami nakita namin ang construction, iba makikinabang.” [Tawanan] Sa tabi po niyan, may fire truck. Sasabihin siguro sa inyo ng ating kagalang-galang na Secretary of National Defense sa mga susunod na klaseng magagamit nang mahusay ang sport center, “Noong panahon namin pati tubig galing sa fire truck.” [Tawanan] Kinukwento po niya kagabi na may kakulangan ng tubig dito sa PMA kaya ang binibigay sa kanilang rasyon tuwing araw—dadating ang fire truck, bibiggyan sila ng five counts para sumahod gamit-gamit ang kanilang helmet. Napakahalaga po no’n dahil iyon ang pansepiliyo, pampaligo, panlaba, pandilig ng halaman, at magkita kayo ulit kinabukasan. [Tawanan] Ganoon ho siguro ang tadhana: umaasenso ang bayan, bumabawas dapat ang sakripisyo ng mamamayan.

Makalipas po ang mahigit apat at kalahating taon, masasabi natin: Tunay ngang malayo na ang ating narating sa pagtahak sa tuwid na landas. Marami na tayong nilampasang pagsubok upang higit na maisulong ang interes ng Pilipino, sa loob at labas ng ating bansa. Nariyan po ang tensyon noong 2010 sa pagitan ng North at South Korea kung saan maaaring madamay sa kaguluhan ang 50,000 nating kababayan. Bukod dito, kailangan nating ilayo sa panganib ang mga Pilipinong maaaring maipit sa sigalot sa Gitnang Silangan sa panahon noong Arab Spring. Tuloy-tuloy din ang pagsisikap nating mapigilan ang pagkalat ng mga sakit gaya ng Ebola at MERS-Coronavirus. Noong 2013, dumating ang patong-patong na hamon sa ating bayan: lindol sa Bohol, kaguluhan sa Zamboanga, at paghagupit ng bagyong Yolanda. Sa kasalukuyan naman, nakatutok tayo sa insidente ng pito nating kababayang dinakip ng mga armadong grupo sa Libya, kasama na ang mahigit 4,000 pang ibang Pilipinong naiipit sa kaguluhan doon. Bukod pa rito, mayroon ding nasa 900 kababayan tayong kailangang ilikas sa bansang Yemen.

Nasa alert level 4 na ang mga bansang nabanggit. Ibig sabihin, lubhang mapanganib na ang sitwasyon doon, kaya ipinapatupad natin ang mandatory repatriation upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.

Sa kabila ng mga ito, pinanatili natin ang hinahon at ang makatwirang pagpapasya. Hindi tayo lumihis sa ating panata: Ang itaguyod ang interes ng mas nakakarami, lalo na ang mas nangangailangan.

At hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, pero ngayon pa lang, masasabi nating higit na maganda ang kalagayan ng bansa kumpara sa ating dinatnan. Nilinis natin ang burukrasya, tinugis ang mga tiwali, pinasigla ang ekonomiya, at nagbukas tayo ng mga bagong pinto ng oportunidad para sa ating mga kababayan.

Ang dating tinatawag na Sick Man of Asia, sa kauna-unahang pagkakataon ay investment grade status na. Kamakailan lang, natanggap natin ang balitang nasa 1.04 milyon ang nadagdag sa bilang ng mga Pilipinong may hanapbuhay. Katumbas ito ng pagbaba ng unemployment rate sa 6.6 percent ngayong Enero mula sa 7.5 percent sa kaparehong panahon noong 2014. Bukod dito, walang patid ang pagsulong ng mga programa nating naghahatid ng agarang benepisyo para sa napakaraming pamilyang Pilipino.

Ngayon ngang palapit nang palapit ang pagtatapos ng mandatong ipinagkaloob ninyo sa akin noong 2010, parami nang parami at paulit-ulit ang mga nagtatanong. Tanong po nila: Sino ang magpapatuloy ng maganda nating nasimulan kapag bumaba na ako sa puwesto? May mga nagmungkahi at nagmumungkahi pa rin: Bakit di na lang ulitin ang termino raw at itloy ang pagbabago sa ating pamumuno? Ang tugon natin: Unang-una, hindi lang ako ang gumawa ng lahat ng ito. Kasama ko ang bawat disenteng Pilipino sa paggawa ng pagbabago. Pangalawa, bagaman nakita nating posibleng may benepisyo kung iapgpapatuloy natin, may kaakibat itong panganib. Dahil baka dumating ang panahon na kapag bumaba na ako sa puwesto, isipin ng papalit sa akin na puwedeng panghabambuhay na siya sa katungkulan. Ayaw naman nating maulit ang nangyari sa ating kasaysayan na may namuno mula 1965 hanggang pinatalsik siya noong 1986.

Sa araw pong ito, 172 miyembro ng SINAGLAHI Class of 2015 ang tatawid mula sa pagiging kadete patungo sa pagiging opisyal ng ating Sandatahang Lakas. Bawat klase nga ng PMA ay namimili ng pangalan na kakatawan sa kanilang mga hangarin sa paglilingkod. Napakaganda ng inyong napili: “Sundalong May Angking Galing at Lakas, Handang Ipaglaban ang Bayan.” Sa paglabas ninyo sa akademyang ito, at sa pagsisimula ng bagong yugto ng inyong buhay bilang mga kawal: Aasahan kong paninindigan niyo ang pakilala ninyo sa inyong sarili.

Sana ay matumbasan o mahigitan ninyo ang ipinamalas ng inyong upperclassman na si 2nd Lieutenant Jerson Sanchez. Miyembro siya ng SIKLAB DIWA class of 2014. Hindi naman natin inaasahan na maging dalubhasa agad ang isang baguhan. Kaya nga nakakabilib itong si Lt. Sanchez dahil wala pang isang taon mula nang magtapos siya ay pambihira na ang ipinamalas niyang angking lakas at galing sa pagtupad ng kanyang tungkulin. Noong ika-16 ng Pebrero, matapos ang ilang araw ng maigting na pagmamanman at estratehikong pagkilos, inatake ng kanyang platoon ang mahigit-kumulang 30 miyembro ng NPA sa Barangay Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province. Ang talagang kahanga-hanga dito, noong simula ay mas maliit ang kanilang bilang kumpara sa mga kalaban. Pero dahil sa mas mahusay na estratehiya, mas malakas na armas, at mas epektibong paggamit dito ng pangkat ni Lt. Sanchez, nag-atrasan at nagkahiwa-hiwalay ang mga rebelde. Walong oras silang tinugis ng ating puwersa sa pamumuno ni Lt. Sanchez. At nang matapos ang bakbakan, napatay ang pito sa mga rebelde, naiwan ang siyam na high-powered firearms, limang improvised explosive device, at iba pang kagamitan panggiyera. Kitang-kita na talagang nagipit ang kalaban: Alam naman nating hangga’t maaari ay hindi sila nag-iiwan ng bangkay ng kasamahan at ng mahahalagang supplies.

Pero bukod po rito, may mga naiulat na sugatan, habang 11 doon sa 30 nakasagupa naman nila ay sumuko sa mga sumunod na araw matapos ang operasyon.

Bibigyan ko ng diin: Bagitong sundalo si 2nd Lt. Sanchez. Hindi po siya miyembro ng isang elite unit. Pero sa maikling panahon pa lamang ng inilagi niya sa serbisyo, nagpakita na siya ng ibayong tapang at epektibong pamumuno. Malinaw sa kanya: Habang nagpupursige siyang tugisin ang mga kalaban, lalo silang magdadalawang-isip na magsagawa ng operasyon dahil alam nilang de-kalibre ang mga sundalong nakabantay. Nasisiguro ang kaligtasan ng ating mga Boss, at nadaragdagan ang kanilang kumpiyansa sa ating Sandatahang Lakas. Higit sa lahat, lalo tayong nalalapit sa minimithi nating pangmatagalang kapayapaan. 2nd Lieutenant Jerson Sanchez, tunay ngang karapat-dapat ka sa tinanggap mong Distinguished Conduct Star. [Palakpakan]

Aminin ko po sa inyo, ang hiniling ko ay dapat sana ma-promote na rin, pero ang sabi ho sa akin ayon ho sa mga kasalukuyang patakaran, ang promotion po niya ay “temporary.” Sabi ko po, “Paano ‘yong ‘temporary?’” After one year raw ho, babalik siya sa pagiging 2nd Lieutenant. Kako, “Teka muna, di yata maliwanag iyon.” Meritocracy dapat. Dapat maganda ang ginawa. Dapat permanente. Kaya, dito ho muna tayo sa awar ng Distinguished Conduct of Service.

Ang kuwento po ni Lt. Sanchez ay bahagi lamang ng mas malaking naratibo ng malawakang transpormasyon sa ating lipunan. Noong panahon nga ng Martial Law, ang diktador ang pinaglilingkuran ng Sandatahang Lakas, imbes na ang taumbayan. Ngayon, dumarami na ang katulad ni Lt. Sanchez na hindi lang nagsasabing “The Filipino is worth dying for,” kundi talagang isinasabuhay ito. Nakikita ng taumbayan ang pagpapakitang-gilas ng Armed Forces of the Philippines, mula sa pagbabantay ng ating teritoryo, sa pagsusulong ng kapayapaan, hanggang sa pagtugon kapag may kalamidad. Kaya naman buo ang suporta ng sambayanan sa ipinapatupad nating modernization program upang higit na paunlarin ang kakayahan ng mga sundalo na makapaglingkod sa ating mga Boss. Ayaw naman nating maging mission impossible sa kanila ang bawat operasyon.

Bukod pa rito, pinapangalagaan rin natin ang kanilang kapakanan at ng kanilang mga mahal sa buhay. Kabilang na dito ang mga housing unit na nailaan at naipamahagi na sa ating unipormadong hanay, ang pagsasaayos ng pension system, at pagpapaunlad sa mga benepisyong kanilang natatanggap. Ang lahat ng ito, naipagkaloob at patuloy nating ipinagkakaloob nang hindi nagdaragdag ng buwis, maliban sa tinatawag na Sin Tax.

Tunay nga: Mas malayo pa ang puwedeng marating ng mga susunod na henerasyon ng ating kawal dahil mayroon na tayong mas malakas at mas maunlad na Sandatahang Lakas na kinakalinga ng estadong kanila namang kinakalinga din. Ang hamon sa inyong mga magsisipagtapos: Ipagpatuloy ang magandang nasimulan ng mga nauna sa inyo upang hindi masayang ang kanilang ginawang sakripisyo at malasakit sa bayan. Sa pakikiambag ninyo, at ng iba pang magigiting na miyembro ng ating unipormadong hanay, malinaw ang mensahe natin sa mga nasa kabilang panig ng ating agenda ng reporma: Kung handa kayong makipag-usap nang sinsero, bukas ang estado sa isang risonable at tapat na diyalogo. Pero kung patuloy ninyong ilalagay sa peligro ang sambayanan, hindi kami mag-aatubiling sagasaan kayo.

Sa SINAGLAHI Class of 2015: Hindi naman kayo nagpakahirap at nagpakasakit sa PMA para sa huli ay mabalewala at masayang lamang ito. Pinatunayan ni Lt. Sanchez at ng kanyang mga kasamahan ang positibong bunga ng kanilang mahusay at tapat na pagtupad sa tungkulin. At kung ang bawat isa sa inyo sa SINAGLAHI ay maninindigan at gagamitin ang inyong angking galing at lakas upang tumbasan o higitan ang nagawa ng mga nauna sa inyo, maipapamana natin sa susunod na henerasyon ang isang bayang di hamak na mas maganda kaysa ating dinatnan.

Kaya nga sa mga nagtatanong kung sino ang magpapatuloy sa maganda nating nasimulan: Walang iba kundi ang nagkakaisang sambayanan na nagpapamalas ng malasakit sa isa’t isa. Malinaw naman: Mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan lang ang hindi nakakaramdam sa malaking pagbabagong tinatamasa ng ating bayan. Ang transpormasyong ito ay nagmula sa taumbayan na nagbigay ng pagkakataon sa aking makapaglingkod nang totoo; kaya’t taumbayan rin ang magpapatuloy nito. Sa pag-aaruga ng sambayanan sa mga tunay na nagmamalasakit sa kanila, at sa pagpili ng mga pinunong talagang kumakatawan sa kanilang mga adhikain, kompiyansa ako na ang lahat ng pinagtulungan nating tagumpay ay simula lamang ng tuluyang pagpapaganda at pagsasaayos ng ating lipunan.

Kanina po, sinabi ng Superintendent natin, “You chose the road less traveled.” Ako ho, kung minsan, noong 2010, parang napapag-isip: ‘yung gagawin ba natin misyon impossible? ‘Yung dadaanan ba natin talagang nalimutan na kaya talagang halos “not traveled?” Sa tulong po n’yo, gagawin nating “very well-traveled” ang tuwid na landas.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.

READ: PNoy’s PMA 2015 Commencement Address [English]

Continue Reading
Click to comment

0 Comments

  1. Pingback: PNoy’s PMA 2015 Commencement Address [English] » Philippine Canadian Inquirer

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Maria in Vancouver

Lifestyle6 days ago

Upgrade Your Life in 2025

It’s a brand new year and a wonderful opportunity to become a brand new you! The word upgrade can mean...

Maria in Vancouver3 weeks ago

Fantabulous Christmas Party Ideas

It’s that special and merry time of the year when you get to have a wonderful excuse to celebrate amongst...

Lifestyle1 month ago

How To Do Christmas & Hanukkah This Year

Christmas 2024 is literally just around the corner! Here in Vancouver, we just finished celebrating Taylor Swift’s last leg of...

Lifestyle2 months ago

Nobody Wants This…IRL (In Real Life)

Just like everyone else who’s binged on Netflix series, “Nobody Wants This” — a romcom about a newly single rabbi...

Lifestyle2 months ago

Family Estrangement: Why It’s Okay

Family estrangement is the absence of a previously long-standing relationship between family members via emotional or physical distancing to the...

Lifestyle4 months ago

Becoming Your Best Version

By Matter Laurel-Zalko As a woman, I’m constantly evolving. I’m constantly changing towards my better version each year. Actually, I’m...

Lifestyle4 months ago

The True Power of Manifestation

I truly believe in the power of our imagination and that what we believe in our lives is an actual...

Maria in Vancouver5 months ago

DECORATE YOUR HOME 101

By Matte Laurel-Zalko Our home interiors are an insight into our brains and our hearts. It is our own collaboration...

Maria in Vancouver5 months ago

Guide to Planning a Wedding in 2 Months

By Matte Laurel-Zalko Are you recently engaged and find yourself in a bit of a pickle because you and your...

Maria in Vancouver6 months ago

Staying Cool and Stylish this Summer

By Matte Laurel-Zalko I couldn’t agree more when the great late Ella Fitzgerald sang “Summertime and the livin’ is easy.”...