Breaking
Speech of President Aquino during the Malacañang Prayer Gathering [Filipino]
Below is the speech delivered by President Benigno Simeon Aquino III at the prayer gathering held in Malacanan Palace, March 9, 2015:
Magandang hapon po.
Aminin ko po sa inyo, palagay ko naimpluwensyahan ho ako noon pa ng panonood sa programa sa TV noong araw eh. Kaya pareho ho tayong mahinahong magsalita. [Tawanan]
Joel [Villanueva], ‘di ka raw nakikita ng Tatay mo pala—buwan na. Noted, Bro. Eddie [Villanueva], papaalala po natin—meron yata ho sa Bibliya, “Honor thy Father.” [Tawanan] Pero alam ko, kung hindi man ho siya nagpapakita sa inyo—dutiful son ho talaga. Ayaw niyang sirain ang inyong magandang pangalan. Talaga hong, sabi ko nga hong noong kampanya ho, may isang araw na 21 ho yata ang engagements sa loob ng 24 hours, at saka parang apat na probinsya ho ang tinahak namin noong araw na iyon. So ang ground campaign manager namin eh ‘yung yumaong si Jesse Robredo. So noong natapos na po ang araw—actually sa susunod na araw na ho natapos—nagsalita ako, nasa isang bus ho kami, sabi ko sa kanya, “Alam mo, Jesse, pati kalabaw marunong umiyak.” Sabi niya, “Okay ho, bukas ho ‘di na tayo 24 engagements, 23 na lang.” [Tawanan]
Magandang hapon pong muli sa inyong lahat. [Palakpakan]
Tinuturuan po tayo ng ating pananampalataya, “We are our brother’s keeper.” At habang isinasabuhay natin ang aral na ito, hindi maiiwasan na subukin ang ating katatagan ng mga dumarating na hamon. Sa ganitong mga pagkakataon, binabalik-balikan naman natin ang sinabi ng mga taong tulad ni Martin Luther King, “Darkness cannot drive out darkness; only light can do that. Hate cannot drive out hate; only love can do that.” [Palakpakan]
Bilang Pangulo, hindi po madali ang ating tungkulin. At itong mga lumipas na araw, mayroong nagtanong sa aking mga ilan, “Alam ho naming mahirap ang trabaho mo, pero gaano ba talaga kahirap?”
Siguro, isang halimbawa lang po ng matinding problemang ating hinarap ay ang patung-patong na pagsubok sa bansa noong 2013: Inumpisahan ng lindol sa Bohol, sinundan ng kaguluhan sa Zamboanga, at pagkatapos po’y nagpaalam ang taon sa paghagupit ni Yolanda. Kulang na nga lang po ay ang pagputok ng bulkan. Ni hindi nga po natin ito mabanggit ng mga panahong iyon, baka biglang magkatotoo’t may pumutok pang bulkan—humabol pa.
Pero alam ho n’yo, noong parating si Yolanda, sinabi sa atin ng PhilVolcs, may danger ng lahar flows. Sabi ko, “Ano ba naman ang koneksyon ng bagyo sa lahar flow?” ‘Yung naipon raw pong nang pagputok ng Mayon amongst others nag-ipon ng lahar, ‘pag dumagsa ‘yong ulan, puwede hong umagos ito, at iyon na nga ho, lahar flow, may pinsala na namang panibago.
Sa lahat po ng ito, pinili po nating maging mahinahon, ‘wag magpadala sa emosyon, at ituon ang pansin sa kapakanan ng mas nakakarami; kabilang na ang mga kababayan natin—o sa sentro po ng ating gawain ang kababayan natin sa loob man o labas ng bansa. Ngunit hindi rin po maiiwasan na mayroon pa ring ilan na pinipiling maghasik ng duda at negatibismo. Sila ang tawagin na lang po nating “KSP”: mga “Kulang sa Pansin,” mga “Kulang sa Pag-iisip nang maayos,” na naghahanap lamang ng mali, ngunit wala namang nailalatag na risonable at alternatibong solusyon. Mayroon ding mga “Kulang sa Pagkalinga sa kapwa,” na nais lamang magkaroon ng kaguluhan kung saan sila mas makinabang. Siyempre, ang mga “Kulang sa Pananampalataya,” o ang mga ayaw kilalaning nariyan ang Panginoong handang umalalay at gumabay sa atin upang malampasan ang bawat suliranin.
Medyo nagulat po tayo na sinuhulan ko raw po kayo na mag-usap tayo. Kami po, at nandiyan po ang public record, handang makipag-usap sa lahat. Pakiusap lang ho natin, sana naman po ‘yong pag-uusap ay may patutunguhan. Kung pagdating po, kunwari may kausap tayo sa media, hindi pa natin nakakausap, tapos na ang istoryang gagawin—ano pa kaya ang silbi ng mag-usap tayo. ‘Pag meron naming sobrang sarado na po ang isip, na kung anoman ang sabihin natin eh hinahanap lang kung paano babaliktarin ang lumabas sa bibig natin—ano ho ba ang silbi ng pag-uusap?
Basta ho maayos kausap, bukas po ang pintuan natin lalo na kung damang-dama natin na talaga naman ang pakay ay ikabubuti kung hindi man ho ng lahat eh ng nakakarami. Iyon po nakikita natin sa tauhan ni Bishop Eddie sampu ng mga kasamahan dito sa Christian Coalition Movement, amongst others.
Alam po n’yo, may mga KSP nga pong tinatawag natin, sila po ang mga nais matinag ang ating pag-asa. Sila po ang may nais muling samantalahin ang mga isyung ating hinaharap upang ibalik ang lumang kalakaran kung saan sila’y nanlalamang sa kapwa. Sila rin ang anumang gawin nating pasya, sa bawat kilos ng inyong pamahalaan, ay may nakahanda na agad na batikos at kritisismo, at kadalasan po, bago pa tayong may dinesisyon, kumilos o pagkilos, eh nakahanda na ang kritisismo. Marami ho silang alternative depende sa anong gagawin natin. Sila ang naghihintay lang ng oportunidad na mag-abuso ulit oras na makabalik sa poder.
Subalit nga po, sa kabilang banda, meron din naman po tayong mga kasamahan na talagang kaisa natin sa agenda ng mabuting reporma; mga kabalikat natin sa hangaring itaguyod ang kapakanan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga pinakanangangailangan.
Isang halimbawa nap o dito si Bro. Eddie Villanueva. Alam n’yo naman na katunggali po natin siya noong nakaraang eleksyon 2010. Pero imbes na maghinanakit, minabuti niyang tulungan tayo sa pagpapabuti sa kalagayan ng ating mga kababayan. Sa halip na pagtuligsa [palakpakan] lang ang asikasuhin, tumotoo siya sa kanyang salita: ang paglingkuran ang kapwa at bansa. Kapag may hindi napagkaunawaan, tapat at matino siyang nakikipag-ugnayan sa atin upang mailatag ang nararapat na solusyon sa problema.
Alam po n’yo, meron tayong isang politiko sa kasalukuyan. Noong una po akong naupo, ang sabi niya sa akin, tungkulin ng bawat politikong tulungan ang administrasyong itinatag ng taumbayan lalo na sa umpisa nito. Matatapos na po ang ating termino sa loob ng isang taon at tatlong buwan, hinihintay ko po ‘yong suporta niyang darating. Pero dahil may pananampalataya ho tayo sa Diyos, hindi ho nawawala ang pag-asang baka naman ho sa fifth year and 364th day, baka dumating na ho ‘yung kanyang tulong. [Tawanan]
Nagpapasalamat din tayo naman sa ating mga kasama ngayon, ang mga pinuno ng iba’t ibang Christian groups sa pagbubuhos ninyo ng suporta sa ating agenda ng mabuting pamamahala. Talaga naman pong nakakapagpalakas ng loob ang pagkakataong ito na nagbubuklod-buklod tayo upang mag-alay ng panalangin para sa ating bayan.
Sa ganito pong mga pagkakataon, kompiyansa ako na kahit mahirap ang ating trabaho, basta naroon kayo na nakikiisa at nagbibigay-lakas, madadaig natin ang puwersang naghahangad na ibalik ang dating sistema. [Palakpakan] Alam ko pong magiging makabuluhan ang ating pagsisikap upang mangibabaw ang ating kolektibong hangarin na higit na kaunlaran at kasaganahan.
Kapag sinabi po nating pagtahak sa tuwid na landas, ito po ay paglihis sa maling landas o ang sistema ng pagpapanatili sa masasamang elemento, na walang dinadalang pakinabang sa marami nating kababayan. Ngayong tayo na ang nanunungkulan, hindi po tayo papayag na manatili tayo sa siklo ng baluktot na pamamahala, na parang paikot-ikot lang tayo sa merry-go-round o naglalaro lang tayo ng musical chairs. Tungkulin po natin—tungkulin ng bawat isa sa atin—na itama ang sistema sa lipunan. At sa amin po’y binansagan nga naming ‘yang “pagtahak sa tuwid na daan.”
Buo ang loob nating ituloy ang ating laban tungo sa transpormasyon ng bansa. Matibay ang pananampalataya ko sa Panginoon at sa kakayahan ng Pilipino. Patuloy akong maninindigan sa tama at katwiran. Nariyan nga po ang panibagong pagsubok na hinaharap natin ngayon ukol sa mga nais ibalik ang karahasan sa Mindanao. May mga panahon mang tila ako na lang ang natitirang tinig, patuloy nating ipinaglalaban ang kapayapaan dahil alam kong ito ang marapat na pagkilala sa sakripisyo ng marami na nating mga kababayan lalo na ang mga nasawi sa Mamasapano. Naniniwala tayo: Kapayapaan ang susi sa kaunlaran at ito ang maghahatid ng katarungan para sa bawat Pilipino.
[Palakpakan]
Simple lang po ang pangarap ko: Ang ihatid ang bansa sa ‘di hamak mas magandang kalagayan kumpara sa ating dinatnan. Na kapag ako’y tinawag na ng Diyos, at sinabi Niyang, “Pass your papers, finished or not,” mababalikan ko ang aking mga nagawa at ating pinatulungan, at masasabi ko ang gaya ng nakasaad sa 2 Timothy chapter 4, verse 7, “I have fought the good fight, I have finished the race, I have kept the faith.” [Palakpakan]
Nananalig po ako: sa gabay at pagmamahal ng Panginoon, at sa pakikiisa ng sambayanan, magtatagumpay tayo sa tuwid na daan. Basta nasa panig tayo ng katotohanan, basta’t iniisip natin ang kapakanan ng ating kapwa, basta inuuna natin ang interes ng nakakarami bago ang sarili, hindi na lamang po posibilidad ang mangarap, kundi karapatan na kayang tuparin ng bawat Pilipino.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa lahat.